MANILA, Philippines — Umaabot na sa 636 biktima ng child exploitation kabilang ang isang 4 buwang sanggol ang nasagip ng Philippine National Police (PNP) na ibinebenta online simula pa noong 2022.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco D. Marbil, ang kanilang operasyon ay bunsod ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pigilan ang child exploitation.
Sinabi ni Marbil na ang pagsagip sa mga kabataan ay paghatid sa kanila sa mas maayos at ligtas na kapaligiran.
Gayunman, inamin ni Marbil na ikinagulat niya ang insidente ng pagbebenta sa 4 buwang sanggol ng kanyang magulang at tiyahin sa Taguig City.
Nabatid na nasa 375 ang babae at 121 ang lalaki na pawang may edad 17.
Ani Marbil, sa tulong ng makabagong teknolohiya, mas nagiging madali ang kanilang imbestigasyon na nagreresulta sa pagdakip sa mga suspek at pagsugpo sa krimen.