MANILA, Philippines — Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa mga ospital at Malasakit Centers sa buong bansa na maghanda sa potensyal na pagdami ng mga pasyente dahil sa pagbaha sa iba’t ibang lugar.
Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng paggamit ng Malasakit Centers para makapagbigay ng tulong medikal sa mga naapektuhan ng bagyo, dulot ng matinding pagbaha, kung saan maraming residente ang napadpad sa mga rooftop.
Ayon kay Go, kritikal ang maagap at sapat na pangangalagang pangkalusugan sa mga pamilyang bakwit, lalo sa mga bata, at matatandang residente na maaaring tamaan ng mga sakit na dala ng tubig-baha pagkatapos ng mahabang araw ng matinding pag-ulan.
“Ang Malasakit Center ay para sa ating mga kababayan na naghahanap ng tulong medikal lalo sa panahon ng sakuna ngayon na maraming nasalanta ng bagyo,” sabi ni Go.