Litrato ni ex-PNP chief Acorda kasama ‘POGO players’ lumutang

MANILA, Philippines — Iprinisinta ni Sen. Risa Hontiveros, chair ng Sena­te Committee on Women, Children, Family Relations at Gender Equality ang larawan ni dating Philippine National Police (PNP) chief Benjamin Acorda kasama ang ilan sa mga sangkot sa iligal na Philippine offshore gaming operators (POGO).

Sa larawan na iniharap sa komite, makikitang nakangiti si Acorda kasama ang kapatid ni dating Bamban Mayor Alice Guo na si Wesley Guo.

Ang litrato ay kuha bago maupo bilang PNP chief si Acorda na noon ay regional director pa lamang ng Cagayan de Oro.

Kabilang si Wesley sa pinaghahanap ng Senado dahil sa hindi pagdalo sa kanilang mga pagdinig sa POGO.

Sa parehong larawan, makikita rin si Sual, Pangasinan Mayor Liseldo Calugay na pinaghihinalaan ng mga senador na business partner ni Alice Guo o boyfriend nito.

Sa ibang larawan, nakita rin si Acorda kasama si Yang Jianxin na kilala rin sa tawag na Tony Yang ang kapatid ni Michael Yang na ex-economic advisor ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Hontiveros na nagtataka siya kung ­bakit ang mga matataas na opis­yal ng gobyerno ay nakiki­paulong sa mga wanted na pugante.

“Pwede nyo bang ipa­liwanag ang litratong ito. Meeting po ba ‘yan? Sino ang mga kasama at ano ang pinag-usapan nyo?” tanong ni Hontiveros.

Ipinaliwanag ni Yang sa pamamagitan ng isang interpreter, na hindi ito isang pagpupulong dahil binisita lang nila ang hepe ng pulisya ng Cagayan noong panahong iyon.

Matatandaan na sa ika-13 pagdinig ng komite sinabi ng senior vice president ng Philippine Amusement and Gaming Corp. na si Raul Villanueva na isang dating heneral ng pulisya ang posibleng tumulong sa magkakapatid na Guo na makalabas ng bansa. Pero kahapon ay nag-sorry si Villanueva dahil sa pagbibigay ng hindi beripikadong impormasyon.

Show comments