MANILA, Philippines — Tiniyak ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto na hindi nakakaapekto sa benepisyo ng mga miyembro kahit gamitin pa ng gobyerno sa excess funds ng Philippine Health Insurance Corporation (PhiHealth) dahil papalo sa P61-B ang net income ng ahensiya ngayong taon.
Sinabi ni Recto na naaayon sa medical principle na “first do no harm” ang paggamit ng natutulog na pondo at hindi makakaapekto sa benepisyo ng mga miyembro.
“Yung benefit packages sa mga miyembro ng PhilHealth, daragdagan sa taon na ito ng mahigit 30%. Tapos ang malulubhang sakit katulad ng breast cancer, binibigay ngayon 100,000 pesos, gagawing 1.4 million. At marami pang iba,” paliwanag ni Recto.
“Madaragdagan ang benepisyo ng PhilHealth, at kahit daragdagan ‘to, malaki pa ang kita ng PhilHealth, at ‘yung kinuha lang natin dito ay ‘di galing sa contrbutions ng members; ito ay galing sa subsidiya ng gobyerno,” dagdag ni Recto.
Sa katunayan aniya ay magbibigay ang gobyerno sa susunod na taon ng P70 bilyon sa PhilHealth at sapat ito para madagdagan ang benepisyo.
Ipinaliwanag ni Recto sa pagsisimula ng panayam na mahigit kalahating trilyong piso ang nasa kaban ng ahensya, sapat na para mabayaran ang dalawa hanggang tatlong taon nitong gastusin.
Ibinunyag din ni Recto na ang P20 bilyong sobrang pondo ng PhilHealth na unang inilipat ay ginamit para masakop ang mga health emergency allowance ng mga health worker at frontliners.