MANILA, Philippines — Mahigit sa kalahati ng mga Pinoy ang tutol sa pagsasa-legal ng diborsyo sa bansa, batay sa pinakahuling “Tugon ng Masa” survey ng OCTA Research group na inilabas kahapon.
Ayon sa survey, 57% ng mga adult Filipinos ang hindi sumusuporta sa pagpapasa ng batas na magsasa-legal ng diborsiyo sa bansa.
Ito ay pagtaas mula sa 51% na naitala sa nakaraang survey noong ikatlong bahagi ng 2023.
Samantala, 39% ang pabor na gawing legal ang diborsiyo, o pagbaba ng 2% mula sa nakaraang survey. Nasa 4% ang undecided o 5% na pagbaba mula sa nakalipas na survey.
Pinakamarami umanong tutol sa diborsiyo sa Balanced Luzon, 61%; Mindanao, 57%; Metro Manila, 50% at Visayas, 49%.
Pinakamaraming pabor sa Visayas, 50%; Metro Manila, 46%; Mindanao, 35% at Balanced Luzon, 35%.
Ang non-commissioned poll ay nilahukan ng 1,200 adult Filipinos at isinagawa mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 1.