MANILA, Philippines — Hinihikayat ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang lahat ng local government sa buong bansa na maglagay ng local 911 call center bilang paghahanda sa banta ng La Niña sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Abalos, naglunsad ang DILG ng emergency response system gamit ang makabagong teknolohiya mula sa US 911 system upang mapabilis ang pagtugon sa mga emergency sa bansa.
Aniya, ngayon parating ang La Niña, kailangan na nakahanda ang lahat ng LGU upang agad na maayudahan ang kanilang mga constituents.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Abalos na para maging epektibo ang 911 system, dapat tumulong ang bawat lungsod sa pag-set up ng sarili nitong local emergency call center, katulad ng decentralized system sa US.