Ayuda, suporta sa magsasaka ng palay tiniyak ng Kamara

Farmers harvest rice using sickles in Bocaue, Bulacan on January 2, 2024.
STAR/ Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Matapos itakda ang pagbaba ng presyo ng bigas simula sa Hulyo, tiniyak ng Kamara sa pangu­nguna ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagbibigay ng suporta ng gobyerno sa mga magsasaka ng palay sa bansa.

Ayon kay Romualdez, ito’y sa pamamagitan ng subsidiya upang maibsan naman aniya ang agam-agam ng mga magsasaka kaugnay ng pagbaba ng taripa sa imported na bigas.

Sinabi ni Romualdez na ang pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pa­ngulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay naninin­digan sa pangangalaga at pagpapaunlad sa mga lokal na magsasaka, na mayroon umanong mahalagang papel na ginagampanan sa pagtiyak sa seguridad ng pagkain sa bansa.

Tiniyak din ng punong lider ng Kamara sa mga lokal na magsasaka na buo ang suporta sa mga ito ng Kongreso, ng pamahalaan at maging ng mamamayang Pilipino.

Sinabi naman nina House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, House Committee on Agriculture Chairman Mark Enverga at House Committee on Appropriations Chairman Elizaldy Co na ang pagbabawas ng taripa sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 62, na nagbababa ng buwis sa inaangkat na bigas sa 15 porsiyento ay hindi makakapinsala sa kapakanan ng mga lokal na magsasaka.

Kaugnay nito, nagbigay rin ng update ang mga Kongresista kaugnay ng Rice Competitiveness Enhancement Program (RCEP), na nasa ilalim ng Rice Tariffication Law, at ginawa upang masiguro na mayroong pondong magagamit na pantulong sa mga magsasaka.

Show comments