Bong Go umayuda sa libong displaced workers

MANILA, Philippines — Ipinamalas ni Senador Christopher “Bong Go” ang kanyang pangako na alisin ang agwat sa pagitan ng gobyerno at ng mamamayan.

Sa kanyang pagbisita sa Masbate kasabay ng Bagat Dagat Festival, ininspeksyon ni Go ang pagtatayo ng bagong Super Health Center na naglalayong ilapit ang pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa mga komunidad, at magbigay ng tulong sa mga nawalan ng kayod upang sila ay makarekober.

Ang pagbisita ay bahagi ng mga aktibidad ng senador na layong iangat ang buhay ng mga nahihirapang Pilipino, lalo ang mga nasa grassroots community, gaya ng bayan ng Cataingan.

Sa pagtitipon sa Cataingan Astrodome, namahagi si Go at ang kanyang Malasakit Team ng food packs, bitamina, face mask, kamiseta, basketball, at volleyballs sa mahigit 1,000 displaced workers. Bukod dito, nakatanggap ang mga piling benepisyaryo ng sapatos, bisikleta, cellphone, at relo.

Sa panahon ng pamamahagi, isang partikular na nakaaantig na sandali ang naganap nang mapansin ni Go ang isa sa mga dumalo, si Jennifer Guillon, na nakayapak lamang.

Dahil dito, personal niyang inimbitahan sa entablado si Jennifer at binigyan ng isang pares ng sapatos. 

“Prayoridad ko ang pagsuporta sa pro-poor programs at dapat po ay sikapin ng gobyerno na walang magutom na Pilipino. ‘Yan po ang pakiusap ko parati sa kapwa ko lingkod bayan,” ayon sa senador.

Show comments