Unang kaso ng Q fever, naitala sa Pinas

MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Pilipinas ng kauna-unahang kaso ng Q fever, batay sa anunsyo ng Bureau of Animal Industry (BAI) kahapon.

Ayon sa BAI, ang sakit ay karaniwang makikita sa mga alagaing hayop tulad ng baka, tupa at kam­bing na maaaring maisalin mula sa tao sa pamamagitan nang paglanghap ng contaminated dust.

Kabilang sa sintomas ng naturang sakit kapag naipasa sa tao ay pakiramdam na giniginaw, may lagnat at muscle pain na kapag hindi agad nagamot ay maaaring mag­resulta ng sakit sa atay at kum­plikasyon sa puso.

Sinabi ni Dr. Christian Daquigan, OIC ng National Veterinary Quarantine Services Division ng BAI , ang kambing na nagpositibo sa sakit ay pawang nasa Santa Cruz, Marinduque.

Anya, wala pa namang indibidwal ang napapaulat na may taglay ng ganitong sakit. Under control naman umano ang naturang sitwasyon.

Ang Q fever ay isang sakit na dulot ng bacterial pathogen Coxiella burnetii batay naman sa ulat ng National Institutes of Health (NIH).

Ito anya ay mabilis na kumalat sa pamamagitan ng hangin. Agad umanong magpa-laboratory test ang sinumang indibidwal ang nakakaranas ng naturang mga sintomas ng Q fever.

Show comments