Bong Go: Kondisyon sa trabaho ng HCWs, dapat ayusin

MANILA, Philippines — Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang matinding adbokasiya na mapahusay ang kondisyon sa pagtatrabaho ng mga Pilipinong healthcare workers sa bansa.

Nakatuon si Go sa pagtaas ng suweldo ng HCWs, pagpapalabas ng kanilang health emergency allowance at pagpapahusay ng imprastraktura o kagamitan ng mga ospital upang maayos nilang magampanan ang kanilang mandato na pangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipino.

Sa isang ambush interview matapos tulungan ang mga estudyante sa Ibajay, Aklan, binanggit ni Go ang ilang kritikal na isyu na kinakaharap ng sektor ng kalusugan sa bansa.

Tinukoy ni Go ang nakaaalarmang kakapusan ng resources na kinumpirma naman ng Department of Health (DOH).  “According to DOH, talagang kulang. This is sad and alarming, nakalulungkot po.”

Idiniin ng senador na importanteng taasan ang sweldo at take-home pay ng HCWs.

Dapat din aniyang pabilisin ang hindi pa nababayarang Health Emergency Allowance (HEA) ng health worker sa pagsasabing ito ay “overdue” na.

Isa si Go sa mga nag-akda at nag-sponsor sa Senado ng Republic Act No. 11712, na nagbibigay ng benepisyo at allowances sa HCWs sa panahon ng public health emergency tulad ng COVID-19 pandemic. 

“Noong panahon ng pandemya, sila ang bayani. Ibigay sa kanila ang nararapat. Ibigay na kaagad dahil pinagpawisan nila ito,” sabi ni Go.

Nangako si Go na patuloy niyang kakalampagin ang mga isyung ito hanggang sa ganap na malutas sa 2025, gaya ng ipinangako ni DBM Secretary Amenah Pangandaman.

Show comments