House-to-house inspection vs illegal POGOs sa Pampanga, ikinasa

Ayon kay Pampanga Vice Governor Lilia Pineda, sinimulan na nitong Linggo ng mga alkalde ang house to house bago pa man ibunyag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na mayroong maliitang “scam” hubs sa mga bayan ng Mexico at Bacolor, na parehong sakop ng Pampanga.
AFP

MANILA, Philippines — Inutos ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga sa lahat ng kanilang mga alkalde ang pagsasagawa ng house-to-house inspection laban sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Ga­ming Operator (POGO) hub sa kanilang lugar.

Ayon kay Pampanga Vice Governor Lilia Pineda, sinimulan na nitong Linggo ng mga alkalde ang house to house bago pa man ibunyag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na mayroong maliitang “scam” hubs sa mga bayan ng Mexico at Bacolor, na parehong sakop ng Pampanga.

“Hindi pa naman sinasabi nung PAOCC ‘yung intel report nila, in-alarm ko naman lahat ‘yung mga mayors ng Pampanga na lahat ng kapitan, mag-inspection, mag-house-to house sila, tingnan din nila kung may mga POGO pa rin sa mga bayan-bayan nila,” ani Pineda.

Nilinaw din ng bise gobernador na tutol sa POGO operations ang lahat ng mga alkalde sa lalawigan ng Pampanga.

Inaasahan ding maglalabas ang Pampanga provincial government ng resolusyon na magbabawal sa lahat ng POGO sa lalawigan. Bagama’t walang paglabag, ordinansa lamang ang dahilan upang walang operasyon ng POGO sa lalawigan.

Bukod dito, inaanyayahan nila ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ibahagi ang datos kung aling POGO ang may lisensya.

“Kasi dapat sa kanila talaga magmula… Kasi kaysa ‘yung naghahanap kami, hinahanap namin kung saan, saan nakatago, sila lang ang makakapagpatunay lang talaga niyan,” dagdag pa ng bise gobernador.

Hinihingi rin ni Pineda ang tulong ng mga pulis at barangay laban sa illegal POGO operations.

Show comments