Konek ng ex-TLRC exec sa POGO tatalupan ng Senado

MANILA, Philippines — Naalarma si Senador Risa Hontiveros nitong Lunes sa iniulat na link ng dating Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) Deputy Director General, Dennis Cunanan, sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa parehong Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.

Ibinunyag ng senadora ang mga dokumentong nagpapakita na si Cunanan, na nasentensiyahan ng 26 na taong pagkakakulong dahil sa pagkakasangkot sa Priority Deve­lopment Assistance Fund (PDAF) scam, ay kumilos bilang isang “awtorisadong kinatawan” para sa Hong Sheng POGO sa Bamban gayundin ang Lucky South POGO sa Porac.

“Cunanan figured in one of the largest corruption scandals our country has ever seen. Baka ‘yung ginawa niya sa PDAF ay ina-apply niya rin dito sa mga POGO. Pinapakita rin nito na may koneksyon talaga ang Bamban at Porac na POGO. Tila nagsama-sama silang mga scammer,” ani Hontiveros.

Iimbitahan ng komite na pinamumunuan ni Hontiveros si Cunanan sa susunod na pagdinig tungkol sa POGO.

Binigyang-diin ni Hontiveros, na nag-iimbestiga sa partisipasyon ni Bamban Mayor Alice Guo sa POGO scam operations, na ang pag-impluwensya sa mga pampublikong opisyal ay bahagi ng diskarte ng mga POGO upang ipagpatuloy ang kanilang mga kriminal na aktibidad sa bansa.

“Kaya hindi matanggal-tanggal ang POGO sa bansa kasi mukhang may mga binayaran na silang mga opisyal. Alam ng POGO na malaking kahinaan ng Pilipinas ang korapsyon kaya sinamantala nila ito,” sabi ng senadora.

Show comments