Mayor Guo sipain sa NPC – Gatchalian

Sen. Sherwin Gatchalian on May 3, 2024.
STAR/ Ryan Baldemor

MANILA, Philippines — Nais ni Sen. Sherwin Gatchalian na mapatalsik sa Nationalist People’s Coalition (NPC) si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa umano’y kaugnayan niya sa mga ilegal na operasyon sa offshore gaming sa bansa.

Bahagi ng advisory council ng NPC si Gatchalian at para sa kanya ay dapat ma­ging bahagi ng partido si Guo.

“Ako, personally, from what I’m seeing and this is my personal take, na ma-expel sya sa NPC because connected sya sa Pogo (Philippine offshore gaming operator),” ani Gatchalian sa Kapihan sa Manila Bay.

Idinagdag ni Gatchalian na irregular at invalid ang birth certificate ni Guo.

Tumakbo si Guo bilang independent candidate noong 2022 elections ngunit kalaunan ay sumali sa NPC matapos manalo sa pagka-alkalde sa Bamban, Tarlac.

Naunang ibinunyag ng party chairman at dating Senate president Vicente “Tito” Sotto III na iniimbestigahan ng partido si Guo matapos masangkot sa kontrobersiya dahil sa POGO at naging kuwestyunable rin kung totoo itong Filipino. Sa pagsisiyasat ng Senado nalantad ang diumano’y kaugnayan ni Guo sa Hongsheng ­Gaming Technology matapos umanong mapadali ang aplikasyon nito para sa mga lokal na permit.

Ang Hongsheng ay ni-raid noong Pebrero 2023 ngunit ipinagpatuloy ang mga operasyon nito matapos palitan ang pangalan sa Zun Yuan Technology Inc. na ni-raid din noong Marso 13.

Natagpuan ng mga awtoridad sa raid ang billing statement ni Zun Yuan at isang sasakyan na nakarehistro sa alkalde.

Show comments