SC: Gadon, guilty ulit sa Gross Misconduct

MANILA, Philippines — Hinatulang guilty ng Korte Suprema ang na-disbar na si Lorenzo ‘Larry’ Gadon sa gross misconduct dahil sa umano’y perjury at pag-aakusa na base lamang sa hearsay o sabi-sabi.

Kaugnay ito sa isang reklamo na inihain sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) na humihiling ng ma-disbar si Gadon dahil sa ‘falsehood’ sa isang impeachment complaint na inihain laban kay noon ay Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa House of Representatives (HOR).

Inirekomenda ng IBP – Committee on Bar Discipline na masuspinde si Gadon ng dalawang taon matapos madiskubreng nagsinungaling ito, ‘under oath,’ nang sabihin na pineke ni Sereno ang isang temporary restraining order (TRO).

Sinabi pa ng hukuman na guilty si Gadon sa gross misconduct na may katapat na parusang disbarment.

Gayunpaman, sinabi ng Korte Suprema na hindi maaaring magpataw ng disbarment kay Gadon dahil na-disbar na ito.

Samantala, pinatawan din si Gadon ng multang nagkakahalaga ng P150,000 at hinatulan na hindi karapat-dapat para sa judicial clemency.

Show comments