MANILA, Philippines — Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi ihahain ng kanyang gobyerno ang anumang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihayag ito ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil sa gitna ng hakbang ng Department of Justice (DOJ) na maghanda ng briefer sa mga legal na opsyon na magagamit ni Marcos sakaling maglabas ng arrest warrant ang ICC laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Garafil, isang abogado, na ang briefer ay hindi isang ‘’pagbabago sa posisyon’’ ng administrasyong Marcos.
‘’The President’s stance on the ICC remains clear and consistent. However, it is the duty of the Department of Justice to explore all legal avenues and ensure that the President is fully informed of his options,’’ ani Garafil.
‘’This is standard procedure, not a change in position, ensuring that our administration remains prepared for any scenario,’’ dagdag ni Garafil.
Samantala, nagpahayag nang pagkabahala si Sen. Francis “Chiz” Escudero sa anunsiyo ng DOJ tungkol sa kanilang paghahanda para sa isang “legal briefing” para sa Pangulo tungkol sa isyu ng ICC.
Ayon kay Escudero, ang nasabing pahayag ay hindi nakakatulong para maging maayos ang relasyon ng Pangulo sa mga Duterte.
Nagtataka rin si Escudero kung bakit kailangan pang magpatawag ng isang press conference ang DOJ para sa isang normal na procedure.
“What I don’t understand is why a presscon had to be called to announce something that is in the normal course of things or as it should be,” ani Escudero.
“Providing legal briefings to the President is standard procedure,” dagdag ni Escudero.