MANILA, Philippines — Inihayag ng Philippine Space Agency (PhilSA) na posibleng bumagsak sa katubigan ng Ilocos Sur at Catanduanes ang debris ng Chinese rocket.
Ito’y kasunod ng pagpapalipad ng Beijing ng Long March 8 rocket kahapon ng umaga sa Wenchang Spacecraft Launch Site sa Wenchang, Hainan, China bandang 8:31 a.m., oras sa Pilipinas.
Sa inilabas na advisory ng PhilSA, inaasahang babagsak ang rocket debris sa ilang drop zones sa paligid ng 78 nautical miles mula Vigan, Ilocos Sur gayundin sa 194 nautical miles at 332 nautical miles mula Panay Island sa Catanduanes.
Ayon sa PhilSA, bagamat hindi sa kalupaan babagsak ang debris, may dala pa rin itong panganib sa mga aircraft, barko at fishing boats.
“While not projected to fall on land features or inhabited areas, falling debris poses danger and potential risk to ships, aircraft, fishing boats, and other vessels that will pass through the drop zone,” anang PhilSA.
Magpapalutang-lutang lamang ang mga rocket debris at maaaring mapunta sa ilan pang kalapit na baybayin.
Dahil dito, pinapayuhan ng PhilSA ang publiko na agad na ipagbigay alam sa mga local officials sakaling may matagpuang debris ng rocket.
Iwasang lapitan ang rocket debris sa posibilidad na mayroon itong toxic substance kabilang ang rocket fuel.