MANILA, Philippines — “Masakit makitang ang mga Pilipino ay nagpapatayan sa kapwa nila Pilipino dahil lang sa magkaibang paniniwala.”
Ito ang sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go kaya isinusulong niya ang pagpapabuti sa mga programa at serbisyo na iniaalok ng gobyerno sa mga dating rebelde na nagpasyang magbalik-loob para mamuhay nang payapa kasama ang kanilang mga pamilya.
Bago pa maging senador at nagsilbi kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nang mahigit dalawang dekada, naging saksi na si Go sa mga ugat ng rebelyon sa Pilipinas.
Sinabi ni Go na kadalasang rason kung bakit may namumundok ay dahil sa sobrang kahirapan at sa paniniwala ng pinababayaan na sila ng gobyerno, lalo na ‘yung mga nasa liblib na lugar.
Ipinaliwanag ni Go ang kahalagahan ng Balik-Loob Program sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na ang layon ay maibilang ang mga dating rebelde sa pangunahing lipunan sa pagbibigay ng iba’t ibang uri ng tulong at legal na proteksyon.
Aniya, ang mga programa at serbisyo ng gobyerno ay dapat maramdaman sa grassroots at sa bawat komunidad upang walang maiwan tungo sa kaunlaran.
Sa pamamagitan nito, ani Go, ay maipakikita ng gobyerno ang katapatan nito sa pagpapasigla ng buhay at pagtataguyod ng kapayapaan.