MANILA, Philippines — Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na hahanapan ng administrasyong Marcos ang ilang daang milyong pisong kakailanganin para sa rehabilitasyon ng mga kalsada, tulay, fish port, at ibang imprastrakturang nasira ng 6.8 magnitude na lindol sa Southern Mindanao nitong nakalipas na Biyernes.
Ito ang paniniyak ni House Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo matapos personal na magtungo sa General Santos City at Sarangani kahapon alinsunod sa direktiba ni Speaker Romualdez na alamin ang kalagayan ng mga residenteng naapektuhan ng lindol.
“Ang instruction sa atin ni Speaker Romualdez tiyakin na mahahanapan ng pondo ang rehabilitasyon ng mga nasirang lugar at pagkakaloob ng kabuhayan sa mga naapektuhan,” ayon kay Tulfo na agarang nagbigay ng updates kay Speaker Romualdez, nakasama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa katatapos na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Estados Unidos para kumuha ng bagong mamumuhunan sa bansa, kaugnay sa nangyaring lindol.
“Marami talaga ang nasira. Hindi lang mga tulay at kalsada, lumubog din ang malaking bahagi ng Glan Fish Port. Sa Sarangani pa lang ang initial estimate P200 milyon ang kakailanganin. Hinihintay pa natin ang ibang assessment pati sa General Santos City at Davao Occidental. Ilang daang milyong piso ang kakailanganin natin para sa ating mga kababayan,” ani Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na patuloy rin ang ginawang pamamahagi ng Tingog Party-list ng relief goods sa naapektuhang mga residente ng lindol sa General Santos City at Sarangani.