Robredo camp wala pang kwestyon sa partial election results... 'sa ngayon'

Presidential candidate Vice President Leni Robredo casts her vote at Carangcang Elementary School in Magarao, Camarines Norte on Monday, May 9.
Released/VP Leni Media Bureau

MANILA, Philippines — Hindi pa kwinekwestyon ng kampo ni presidential candidate at Bise Presidente Leni Robredo ang partial and unofficial results ng 2022 polls kung saan lyamado ang karibal na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. — pero naghahanap sila ng linaw patungkol sa ilang isyu.

Maliban sa isyu sa mga palyadong vote counting machines (VCMs) at pagpupunit ng shaded na balota, nariyan pa rin kasi ang isyu ng 68:32 ratio sa pagitan ng boto nina Marcos at Robredo at pagiging "consistent" 47% ng boto ng ikalawa sa una.

"Hindi naman ibig sabihin na kinekwestyon namin ang resulta sa puntong ito, pero may mga katangungan tungkol doon sa mga nasirang VCM," wika ni Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, sa panayam ng One PH nitong Huwebes.

"Maraming lumalabas sa social media. 'Yung iba alam ko sinagot na ng mga eksperto, sinagot na ng PPCRV, sinagot na mismo ng Comelec. 'Yung mga ibang hindi pa nasasagot, inaasahan namin na mabibigyan ng kaliwanan sana sa mga susunod na araw."

"Pero sa dulo, anuman ang magiging resulta, anuman ang magiging pasya ng ating mga kababayan sa eleksyong ito eh handang-handa naman tayong tanggapin."

Matatandaang kwinestyon ni Bongbong ang pagkapanalo ni Robredo sa pagkabise noong 2016, panahon kung kelan tumakbo rin sila sa parehong pwesto.

Una nang sinabi ng election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na nakakuha sila ng 100% match sa pagitan ng electronic election returns (ERs) at unang batch ng physical ERs na kanilang na-encode. Wala pa rin daw silang nakikitang iregularidad ngayon pagdating sa naturang "68:32 magic" claims. 

Sa kabila nito, nananawagan naman ang grupong Kontra Daya na i-"blacklist" na nang tuluyan ang election software provider na Smartmatic matapos ang malawakang technical glitches na nagpahaba sa pila ng libu-libong botante noong Lunes.

"And we're working with mga grupo din naman ng mga eksperto para tignan itong mga bagay na ito at hopefully mas mabigyan tayo ng mas maliwanag na eksplanasyon sa lalong madaling panahon dahil importante sa lahat ng eleksyon 'yan," dagdag pa ni Gutierrez.

"Ang tingin ko 'yan lang naman ang hinahanap lang ng mga kababayan natin sa puntong ito."

Hindi pa naman tapos ang parallel quick count ng PPRCV ngayon habang tinataya ng Kongreso na sa ika-27 o ika-28 pa ng Mayo makapagproproklama ng bagong presidente o bise presidente.

Huwebes lang nang magsimula ang random manual audit ng 2022 national elections para matiyak ang accuracy ng automated count ng VCMs. Sinasabing tatagal ito ng 45 araw.

Una nang kwinestyon ng ilang militanteng grupo, oposisyon at supporters ni Robredo ang kredibilidad ng halalan, ito habang itinatakwil ang posibilidad na mailuklok ang isa pang Marcos sa Malacañang.

Show comments