'Interbyu na lang': Huling Comelec presidential, VP debates hindi na itutuloy

Nine of 10 presidential candidates together in one photo prior to the start of the Comelec-sponsored presidential debate on Saturday, March 19, 2022.
Philstar.com / Deejae Dumlao, File

MANILA, Philippines — Hindi na matutuloy ang huling PiliPinas Forum 2022 na inihanda ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa maraming conflicts sa schedule ng mga presidential at vice presidential candidates dulot ng unang postponement ng mga debate na nakatakda sana noong weekend.

Biyernes lang nang sabihin nina presidential at VP candidate Sen. Panfilo Lacson at Senate President Vicente "Tito" Sotto III na baka hindi sila makapunta sa debates na inilipat sa ika-30 ng Abril at ika-1 ng Mayo dahil may mga ini-schedule na sila sa mga petsang ito bago ang eleksyon.

"The Commission on Elections, in partnership with the Kapisanan ng Brodkaster ng Pilipinas (KBP), has announced that the concluding event of the Pilipinas Forum 2022 Series will no longer be Vice-Presidential and Presidential Twon Hall Debates," wika ng poll body, Lunes.

"In consideration of the inevitable scheduling conflicts as the candidates approach the homestretch of the campaign period, and as advised by the KBP, the COMELEC will now be adopting a Single Candidate/Team-Panel interview format."

Matatandaang hindi natuloy ang mga debate na nakatakda sana nitong nakaraang ika-23 at ika-24 ng Abril kasunod ng ilang isyu sa pagbabayad diumano sa Sofitel Hotel.

Una nang iniulat na hindi pa nababayaran ng Vote Pilipinas — na organizing partner ng Comelec — ang utang na nagkakahalaga ng P14 milyon.

Bukod pa rito, binanggit ni Sotto na nawawalan sila ng motibasyon pumunta sa rescheduled debates lalo na't hindi naman daw dumadalo ang ilang kandidato, bagay na tila patama kina presidential at VP candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Una nang sinabi ng kandidatong si Sen. Manny Pacquiao na dadalo lang siya sa Comelec debate kung sisiputin na ito ni Bongbong.

Dati nang hinamon ni Pacquiao si Bongbong ng "one-on-one" na debate dahil sa kanyang pag-"no show" sa mga nakaraang harapan ng mga kandidato. — James Relativo

Show comments