MANILA, Philippines — Sa loob ng isang linggo, babasahin na ang desisyon ng isang division ng Commission on Elections (Comelec) pagdating sa disqualification cases na inihahain laban kay dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos bago ang 2022 elections.
Ang pahayag tungkol sa promulgation ay inihayag ni Comelec commissioner Rowena Guanzon sa isang Tweet ngayong umaga.
Related Stories
"On or before Jan 17 the @COMELEC First Division will promulgate its Resolution on the DQ cases versus Marcos Jr," ani Guanzon sa kanyang social media account, Martes.
"If not too risky, we will read it in the Session Hall ,on livestream."
On or before Jan 17 the @COMELEC First Division will promulgate its Resolution on the DQ cases versus Marcos Jr. If not too risky, we will read it in the Session Hall ,on livestream.@jabjimenez @cnnphilippines @gmanews @PhilstarNews @inquirerdotnet
— Rowena Guanzon (@rowena_guanzon) January 11, 2022
Biyernes lang nang bigo si Bongbong, anak ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, na humarap sa preliminary conference ng Comelec First Division sa tatlong hinaharap na disqualification cases para sa 2022 national elections. Aniya, na-expose kasi siya sa dalawang kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Matatandaang kinonsolida sa iisang kaso ang magkahiwalay na disqualification petitions ng grupong Akbayan at Bonifacio Ilagan kasama ng iba pang Martial Law survivors, na parehong iginigiit ang tax conviction ni Marcos na may parusang habambuhay na pagbabawal makatakbo sa posisyon sa gobyerno.
Maliban dito, may isa pang disqualification case laban sa dating senador na pinangungunahan ni Abubakar Mangelen. Pare-parehong hawak ng First Division ng Comelec ang tatlong reklamo.
Una nang tinawag ng kampo ni Marcos na "nuisance petition" ang hiwalay pang hiling na ikansela ang certificate of candidacy (COC) ni BBM, na siya ring ibinase sa kanyang non-filing ng income tax returns.
Iginigiit ng iba pang petitioners na gumawa si Marcos ng "false material representations" sa kanyang COC nang sabihin niyang eligible siyang tumakbo kahit na "perpetually disqualified" na siya rapat dito. — James Relativo