NCR mayors itutulak limitahan face shields sa ospital, atbp.; Maynila ipatutupad na ito

The general pediatric population (children ages 12 to 17 years old) receives the first dose of Pfizer vaccine at the Marikina Sports Center on Nov. 3, 2021.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Irerekomenda ng mga alkalde mula sa National Capital Region (NCR) na panatilihin na lang sa iilang "kritikal na erya" ang pagsusuot ng face shields laban sa coronavirus disease (COVID-19) kasabay ng lalong pagbaba ng kaso ng viral infections.

Ang balita ay kinumpirma ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur Abalos sa panayam ng dzBB, Lunes.

"Ang napag-usapan namin sa face shield, ito ay sasabihin ko sa [Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases], number 1, na tanggalin na ho ang face shields except for 'critical places,' kamukha ng ospital, brgy health center at public transport," wika ni Abalos kanina.

"So 'yun po ang sinusuportahan namin ni [Interior] Sec. [Eduardo] Año dito."

Matagal nang iminumungkahi ng ilan ang tuluyang pagtatanggal ng nasabing requirement lalo na't kasama ang Pilipinas sa iilang nag-oobliga sa pagsusuot nito sa publiko sa buong mundo.

Setyembre lang nang ipatanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang face shield requirement sa ibabaw ng face masks "outdoors," maliban na lamang sa mga "crowded," "closed" at "close contact" areas.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang kumpirmahin ni presidential spokesperson Harry Roque na pinag-uusapan na ng IATF kung itutuloy pa ba o hindi ang mandatory na paggamit nito.

Una nang naikabit ang face shields sa "overpricing" pagdating sa pagbili dito ng gobyerno, maliban sa isyu ng tampering ng expiration dates nito na isiniwalat ng empleyado ng kumpanyang pharmally.

Manila E.O. vs face shield requirement

Kasabay ng pahayag ni Abalos, sinabi ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na tatanggalin na niya ang requirement na ito maliban sa mga medical facilities sa bisa ng nilagdaan niyang Executive Order 42 ngayong araw.

Sa ilalim ng nasabing Manila E.O., idedeklara nang non-mandatory ang face shields maliban sa:

  • hospital setting
  • medical clinics
  • iba pang medical facilities

"Yung inyong mga kahilingan, mga sulat, at messages na pag-aralan mabuti yung paggamit ng facehisled, dininig na po ng inyong lingkod," wika ni Domagoso kanina sa isang statement.

"Ang kailangan na lang nating gawin ay mag face mask para kahit paano maibsan ang inyong gastusin araw-araw dahil sa face shield na 'yan."

Agad-agad naman daw epektibo ang naturang kautusan.

 

 

Ilan sa mga nabanggit niyang dahilan kung bakit nila ito ginawa ay ang pagpabor nang "marami" sa IATF ang pabor na tanggalin ang naturang requirement, maliban sa pagluwag ng Metro Manila patungong Alert Level 2 nitong Huwebes.

Imbis na face shields, hinihiling ngayon ni Domagoso na magpokus ang gobyerno sa pagbili ng mga gamot gaya ng  Tocilizumab at Remdesivir laban sa COVID-19.

"Rest assured na kapag bumuti nang bumuti ang sitwasyon sa tulong ng taong bayan ay luluwag ng luluwag. Bibilisan lang natin ang ating kilos, tingin ko mapupunta na tayo sa new normal," sambit niya pa.

Wala pang komento ang Department of Health pagdating sa nasabing statement ng MMDA at EO ng Maynila. — may mga ulat mula kina Kristine Joy Patag at The STAR/Marc Jayson Cayabcayb

Show comments