Maria Ressa naghain ng 'not guilty' plea sa ika-5 tax case

Litrato ni Rappler CEO Maria Ressa noong siya'y arestuhin kaugnay ng hiwalay na cyberlibel charge noong ika-13 ng Pebrero, 2019

MANILA, Philippines — Patuloy na iginigiit ni Rappler chief executive officer (CEO) Maria Ressa, Miyerkules, ang kanyang pagkakawalang-sala matapos ang nangyaring arraignment kaugnay ng isang kaso na may kinalaman sa pagbubuwis.

Nangyari ang kanyang arraignment kanina sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 257, kaugnay ng P294,258.58 value added tax (VAT) na dapat daw niyang bayaran dahil sa pagbebenta ng mga Philippine Depositary Receipt (PDR) noong 2015, ayon sa ulat ng ABS-CBN.

Pero giit ni Ressa at ni Rappler sa Bureau of Internal Revenue (BIR), hindi maaaring buwisan ang pagbebenta ng PDR.

"I was arraigned on the amended INFORMATION and pleaded NOT GUILTY. ps we’ve given 1 million pesos in travel bond for this charge for an alleged P200k tax violation. That was before today," sabi niya sa isang tweet.

Ayon pa kay Ressa, na humaharap na sa patong-patong na kaso, inamyentahan ang mga impormasyon sa kasong inihain sa kanya at isinama ang Rappler Holdings dito kahit mahigit dalawang taon na ang nakakalipas mula nang ihain ito.

Pagtataka pa ng mamamahayag, hindi kasama noon ang Rappler Holdings sa tax evasion case, kahit dito ipinadaan ang mga PDR.

"They asked to amend four parts of the charge sheet. This is the basis of an arrest warrant... Our lawyers thought that there was a substantial change, because the actual charge sheet... only named me. It didn't actually include Rappler Holdings," sabi pa niya, bagay na tandang tanda niya raw dahil inihain ang kaso noong ika-2 ng Oktubre, araw ng kapanganakan ni Ressa.

Ika-15 lang ng Mayo nang hatulang nagkasala ng para sa cyberlibel ng Manila RTC Branch 46 si Ressa at dati nilang writer-researcher na si Reynaldo Santos Jr.

Bagama't may hatol nang anim na taong pagkakakulong sa kanila, maaari pa itong iapela, bagay na kanilang ginawa.

May kaugnayan: Korte: Maria Ressa, 'guilty' sa cyberlibel, kulong maaaring hanggang 6 taon

Nag-ugat ang reklamo sa 2017 cyberlibel complaint ng negosyanteng si Wilfredo Keng, matapos siyang iugnay diumano ng artikulo ni Santos sa "human trafficking" at "drug smuggling." 'Yan ay kahit na Mayo 2012 pa isinulat ang artikulo.

Karaniwang isang taon lang ang prescriptive period para sa kasong libelo, ngunit napagdesisyunan silang kasuhan sa dahilan ng "republication," nang i-edit ang artikulo. Isinulat ang storya bago pa man naipasa ang anti-cybercrime law. — James Relativo

Show comments