MANILA, Philippines — Dalawa pang evacuees sa Batangas ang nasawi matapos lumubha ang karamdaman habang nasa evacuation center sa lungsod ng Batangas nitong Miyerkules.
Sa ulat ni CALABARZON Police Director Brig. Gen. Vicente Danao Jr., bandang alas-3 ng hapon nang matanggap ng pulisya ang report hinggil sa pagkamatay ni Vivenca Dalisay sa Batangas Medical Center matapos itong isugod noong Enero 19 sanhi ng matinding pananakit ng tiyan.
Sa pagsusuri ni Dr. Andrew Gonzales, ang biktima ay namatay sa anemia secondary to upper gastro intestinal bleeding habang si Elmer Salvia ay isinugod sa St. Camillus Hospital sa Batangas City noong Enero 21, 2020 dahil sa stroke pero binawian din ng buhay nitong Enero 22.
Lumala umano ang kondisyon ng dalawa habang nasa evacuation center.
Magugunita na nitong nakalipas na linggo ay nasawi rin ang evacuees na sina Felina de Roxas, 57, ng San Nicolas, Batangas at Violeta Reyes, 84, ng San Pascual, Batangas.
Si de Roxas ay nasawi sa atake sa puso habang si Reyes ay nasawi sa tuberculosis na lumalala ang kondisyon sa siksikang evacuation center.