'Lalong bumaba': Trabahong may unyon 6.3% na lang noong 2018

Mula sa 6.7% noong 2016, nasa 6.3% na lang ito ngayon, na kumakatawan sa 0.4% pagbaba, ayon sa "Integrated Survey on Labor and Employment" na inilabas noong Biyernes.
The STAR/Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — Natapyasan ang porsyento ng trabagong may organisadong paggawa, ayon sa pinakahuling pag-aaral na inilabas ng Philippine Statistics Authority.

Mula sa 6.7% noong 2016, nasa 6.3% na lang ito ngayon, na kumakatawan sa 0.4% pagbaba, ayon sa "Integrated Survey on Labor and Employment" na inilabas noong Biyernes.

Ito ang lumabas na bilang sa 2,039 establisyamentong may 20 empleyado pataas na sinarbey ng gobyerno.

"Kung sa mga mayor na industry group, mga establisyamento sa electricity, gas, steam at air conditioning supply ang may pinakamalaking bahagi sa 29.8%," sabi ng pag-aaral sa Inggles.

Kapansin-pansin din daw na mas maraming nag-uunyon sa mga establisyamentong nag-eempleyo ng 200 pataas na manggawa (16.1%) kumpara sa mga ibang kumpanya na mas kaonti ang kinukuhang tao.

Sa 5.060 milyong sahurang empleyado noong 2018, tanging 353,000 lang daw ang sinasabing miyembro ng unyon, ayon sa PSA.

May CBA 6.2% lang

Dagdag pa ng PSA, sinasabing may Collective Bargaining Agreements sa 98.1% ng unionized establishments noong 2018

Sa kabila nito, 6.2% lang ang may CBA kung ikukumpara sa kabuuang bilang ng mga establisyamento.

Bumaba rin ang CBA coverage rate, o bahagi ng empleyadong may CBA kumpara sa kabuuang bilang ng empleyado, mula 7.2% noong 2016, nasa 7.1%  na lang ito noong 2018.

Ang CBA ay isang kontratang ipinatutupad sa mungkahi ng employer o kinatawan ng mga empleyado pagdating sa mga napagkasunduang sahod, haba ng trabaho at iba pang kondisyones sa employment.

Kabilang din sa CBA ang mga proposals para i-adjust ang anumang hinaing o katanungan sa nasabing kasunduan.

Bagama't lumiit daw ang percent share ng opisinang may unyon, sinasabing tumaas naman ang union density rate mula 6.5% noong 2016 patungong 7% noong 2018 — o 0.5% na pagtaas.

Nakukuha ang union density mula sa paghahambing ng union membership sa kabuuang bilang ng empleyado.

Usapin ng kasarian

Sa parehong survey, natuklasan din na mas mataas ang CBA coverage rate sa mga lalaking manggagawa (4.4%) kumpara sa mga babaeng manggagawa (2.8).

Samantala, tumaas naman ang bilang ng mga kababaihang unyonista na inihahalal bilang opisyal.

Noong 2018, tinatayang 29.5% sa mga union officers ang babae, na 8.1% pagtaas mula sa 21.4% naitala noong 2016.

Kung babaeng union officers mula sa mga mayor na industry group ang titignan, karamihan sa kanila ay nasa "professional, scientific" at "technical activities" sa 71.8%.

Sa mga unionized workplaces, kasalukuyang 27.9% sa mga ito ang may babaeng presidente.

"Pagdating sa kababaihang presidente ng unyon, pinakamalaki ang sa edukasyon maliban sa pampublikong edukasyon sa 54.2%," panapos ng PSA.

Show comments