MANILA, Philippines — Sinampahan na kahapon sa Department of Justice (DOJ) ng mga kasong kriminal at administratibo ng National Bureau of Investigation (NBI) si dating Customs Commissioner Isidro Lapeña at 50 iba pa kaugnay sa dalawang insidente ng drug shipments na ipinuslit sa pamamagitan ng magnetic lifters.
Tig-2 counts ng paglabag sa Anti-Graft ang Corrupt Practices Act at mga kasong administratibo na dereliction of duty, grave misconduct ang isinampa laban kay Lapeña dahil sa kabiguan nito na kasuhan ang consignees, importers at brokers ng 2 magnetic lifters na hinihinalang may shabu sa Port of Manila at apat pang magnetic lifters na natagpuang walang laman sa Cavite.
Kaugnay ang kaso sa pagkakadiskubre ng dalawang malalaking shipment ng shabu sa magnetic lifters na umabot sa mahigit P13-bilyon, nang siya ay nakaupo bilang BOC chief.
Si Lapeña ay kasalukuyan director general ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ang katulad na reklamo ay isinampa rin ng NBI laban sa mga sinibak na tauhan ng Port of Manila District Collector na si Vener Baquiran dahil sa pagkabigo nito na ideklara ang dalawang magnetic lifters na inabandona sa Port of Manila.
Kinasuhan din sina Port of Manila at X-ray Inspection Project head Zsae Carrie de Guzman at 2 iba pa dahil sa pagpayag na makalabas sa Bureau of Customs ang apat na magnetic lifters.
Samantala may 50 katao ang respondent sa reklamong importation of illegal drugs, graft at grave misconduct, kasama sina dating PDEA Deputy Director General for Administration Ismael Fajardo, Jr., dating PNP-AIDG OIC Senior Supt. Eduardo Acierto, dating Customs intelligence agent Jimmy Guban, P/Insp. Lito Pirote at Joseph Dimayuga.
Ang kaso ay nag-ugat sa nadiskubreng dalawang inabandonang magnetic lifters sa Port of Manila noong Agosto, 2018 na umano’y naglalaman ng 355 kilo ng shabu nagkakahalaga ng P2.4 bilyon.
Isang araw ang nakalipas, nadiskubre naman sa isang bodega sa General Mariano Alvarez, Cavite ng PDEA ang apat pang magnetic lifters na hinihinalang may 1.6 tonelada ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P11 bilyon.