MANILA, Philippines — Iginiit ni Senador Bam Aquino na dapat tulungan ng kaukulang ahensiya ng pamahalaan ang mga maliliit na negosyo na maaapektuhan ng anim na buwang pagsasara ng isla ng Boracay.
“Huwag nating kalimutan ang mga maliliit na negosyante, mga vendor at sumiside-line na tatamaan din sa pagsasara ng Boracay. Tumataas na nga ang presyo ng bilihin, mawawalan pa sila ng kita at kabuhayan,” wika ni Sen. Bam. “Kailangan ng malinaw na plano at programa para sa mga maliliit na negosyo, tulad ng mga nagbebenta ng chori burger at naghehenna. Siguraduhin dapat ng gobyerno na may sapat na kita at kabuhayan pa rin ang ating mga kababayan sa Boracay,” dagdag ni Sen. Bam. Anya, malaking papel ang gagampanan ng Negosyo Centers sa Aklan at mga kalapit na lugar upang mapanatiling buhay ang micro at small enterprises sa isla sa pamamagitan ng pagkonekta sa kanila sa ibang merkado at pagbibigay ng alternatibong kabuhayan.
“Maaaring iugnay ng Negosyo Centers ang mga maliliit na negosyante sa iba’t ibang merkado habang naghihintay na bumalik sa normal ang operasyon ng Boracay,” wika ni Sen. Bam, principal sponsor at author ng Republic Act No. 10644 o ang Go Negosyo Act.