MANILA, Philippines — Ipinapatawag ni Pangulong Duterte ang mga malalaking rice traders sa bansa upang malaman ang tunay na estado ng supply ng bigas sa bansa.
Sinabi ni Agriculture Sec. Manny Piñol sa kanyang Facebook post, layunin ni Pangulong Duterte na makausap ng face-to-face ang mga rice traders upang iparating ng Chief Executive na hindi uubra sa ilalim ng kanyang administrasyon ang pagmanipula nila sa presyo at pag-ipit sa stock ng bigas.
Partikular na inatasan ni Pangulong Duterte si National Food Authority (NFA) Chief Jason Aquino upang mapadala sa mga rice traders ang kanyang imbitasyon para sa isang pulong.
Ayon kay Piñol, nais ng Pangulo na harapang sabihin sa mga rice traders na hindi dapat magsakripisyo ang mga Filipino consumers sa mataas na presyo ng bigas.