MANILA, Philippines — Nakatakdang magpatayo ang opisina ni Vice President Leni Robredo ng isang transitionary village para sa mga pamilyang kinailangang lumikas mula sa Marawi dahil sa bakbakan sanhi ng pag-atake ng Maute terror group sa siyudad.
Pinangunahan ni Robredo ang isang groundbreaking ceremony noong Martes sa Area 7 ng Barangay Sagonsongan sa Marawi, kung saan itatayo ang Angat Buhay Village.
Magkakaroon ang nasabing site ng 60 transitionary shelter units, na inaasahang makukumpleto sa Hunyo ng taong ito.
Ang proyekto ay bahagi ng early recovery interventions ng Office of the Vice President sa Marawi. Ipapatupad ito sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng lungsod at ng Xavier University-Ateneo de Cagayan, na siyang magbabantay sa pagpapatayo ng mga units, gayundin sa social preparation para sa mga benepisyaryo.
Popondohan ang mga iuunang transition shelters gamit ang perang nalikom sa “Piso Para sa Laban ni Leni”—isang proyektong nakakalap ng P7.4 million pesos, na gagamitin sana para tulungan ang Bise Presidente na bayaran ang cash deposit para sa electoral protest sa Presidential Electoral Tribunal.
Matatandaang tinanggihan ng PET ang petisyon ng grupong nagpasimula ng nasabing kampanya.
Ayon sa grupo, umabot sa 25,000 mga ordinaryong Pilipino ang nagpaabot ng tulong sa inisiyatibong ito.
Bukod dito, marami ring grupo ang nagpaabot ng tulong sa pagpapagawa ng nasabing village, kasama na ang regional government ng Autonomous Region in Muslim Mindanao at iba pang private partners ng OVP.