MANILA, Philippines – Makaraang mag-landfall ang bagyong Nona kahapon ng umaga sa ika-5 pagkakataon sa Pinamalayan Oriental Mindoro, isa na namang low pressure area ang nagbabantang pumasok sa bansa.
Sinabi ni Aldczar Aurelio, PagAsa weather forecaster, alas -10:30 ng umaga kahapon nang mag-landfall sa ika-5 pagkakataon si Nona habang ang panibagong LPA ay namataan sa layong 1,800 kilometro silangan timog-silangan ng Mindanao.
Taglay ni Nona ang lakas ng hangin na umaabot sa 140 kilometro kada oras at may pagbugso na 170 kilometro bawat oras.
Sinabi ni Aurelio na hihina si Nona hanggang sa maging isang tropical storm na lamang bago lumabas ng Philippine area of responsibility (PAR) sa darating na Biyernes bilang isang LPA.
Gayunman, nakataas pa rin ang signal no. 3 sa Calamian group of Islands, Oriental Mindoro at Occidental Mindoro kasama na ang Lubang Island.
Signal No. 2 sa Marinduque, Romblon at Batangas at signal No. 1 sa Metro Manila, Bataan, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Quezon, Burias Island at Northern Palawan kasama na ang Cuyo Island.