MANILA, Philippines – Tinigil na ng Liberal Party (LP) ang panunuyo kay Sen. Grace Poe upang maging running mate ni Interior secretary Mar Roxas para sa 2016 elections.
Sinabi ni Senate President at LP Chair Franklin Drilon na tiyak na ang pagtakbo bilang pangulo ni Poe.
"Sen. Grace Poe is already a candidate for president. The writings are on the wall. She will run. So we prepare and complete our slate for 2016, including the senators. So I will ask our acting party president, Secretary (Jun) Abaya, to convene the council," pahayag ni Drilon.
Bukod kay Poe ay pinagpipilian din ng LP sina Batangas Gov. Vilma Santos at Camarines Sur Rep. Leni Robredo ngunit kapwa na nila tinanggihan ang alok ng partido.
BASAHIN: Walang Mar-Leni? Robredo namimili sa Kamara o Senado sa 2016
Sinabi ni Drilon na kitang-kita na kay Poe na tatakbo siyang pangulo sa susunod na taon dahil sa pag-iikot niya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
"She has been going around, making speeches to various schools and organizations. Hindi naman gagawin iyan kung hindi ka kandidato. Hindi madaling mag-ikot," Drilon said.
Samantala, ilan sa maaari pang makatambal ni Roxas ay sina Sen. Allan Cayetano at Sen. Sonny Trillanes pero hindi sila miyembro ng LP.
Bukod sa bakanteng pwesto para sa pagkabise presidente, nakatakdang magbuo ang LP ng senatorial slate.
Isa si Justice Sec. Leila de Lima sa mga maaaring mapasama dito, ngunit may mga panawagan din na siya na lamang ang itambal kay Roxas.