MANILA, Philippines - Sapat ang ebidensiya laban kina Dahlia Guerrero Pastor, misis ng international racing champ na si Ferdinand “ Enzo” Pastor at Domingo “Sandy” de Guzman upang sampahan ng kasong murder bunsod na rin ng pagpatay kay Enzo noong nakaraang taon.
Ito ang nakasaad sa 13-pahinang resolution ni DOJ Assistant State Prosecutor Susan Villanueva kung saan sinasabi na may probable cause upang madiin sa kasong parricide si Dahlia, habang murder naman sa pangunahing suspek na si de Guzman.
Matatandaan na Hunyo 12, 2014 nang maganap ang pamamaslang kay Enzo na nagtamo ng tatlong tama ng bala ng baril sa ulo at batok habang sugatan naman si Salazar.
Patungo sa Clark si Enzo kasama ang kanyang assistant na si Paolo Salazar para sa final leg ng kompetisyong Asian V-8 Championship nang pagbabarilin ng riding-in- tandem sa panulukan ng Visayas at Congressional Avenue sa Quezon City.
Sa pahayag ni Salazar, nakahinto sila nang lapitan sila ng mga suspek at paputukan ng ilang beses si Enzo.
Ang pulis naman na si Edgar Angel ay nangumpisal na siya ang gunman sa utos ni de Guzman.
Sinasabi namang may relasyon sina de Guzman at Dahlia kaya lumilitaw na “love triangle” ang motibo ng pamamaslang.
Nagbigay ng kanyang testimonya si PO2 Angel kung saan itinuro niya si de Guzman na mastermind ng krimen subalit binawi rin sa pahayag na pinilit lamang siya ng mga pulis.
Una nang kinasuhan ng DOJ ng murder sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang gunman na si Angel.
Ayon kay Prosecutor General Claro Arellano, hepe ng National Prosecution Service (NPS), isasampa ang kaso laban kina Dahlia at de Guzman sa QCRTC.