MANILA, Philippines - Sinimulan na ng Kamara ang imbestigasyon sa naganap na insidente ng hulidap sa Edsa-Mandaluyong na kinasasangkutan ng mga pulis.
Sa naturang pagdinig ay nagalit ang mga kongresista dahil hindi kumpleto ang mga police officials sa hearing kabilang na dito si QCPD director Richard Albano at maging mga taga DIDM na dapat magbigay sa komite ng briefing para sa crime situation pati ang director ng NCRPO.
Paliwanag ni PNP Deputy director General For Administration Felipe Rojas, hindi naman intensyunal ang hindi pagdalo ng ilang PNP officials dahil ang iba dito ay dumadalo sa regular meeting kay DILG Sec.Mar Roxas.
Giit naman ni Antipolo Rep. Romeo Acop na dati ring heneral na indikasyon ito na mababang-mababa ang lebel ng disiplina ng PNP.
Para naman kay Pangasinan Rep. Leopoldo Bataoil, kung ganito karelax-relax ang mga opisyal ng PNP ay ganito din ang magiging asal ng mababa ang ranggo sa PNP.
Pinuna naman ng chairman ng komite na si Chairman Jeffrey Ferrer dahil palaging hindi ginagalang ng PNP ang pagpapatawag ng Kamara.
Nagpahayag naman ng pagkabahala si Cebu Rep. Gwen Garcia na sa nagdaang mga panahon ay nagkaroon na rin ng kahalintulad na mga insidente ng holdapan at pagdukot na kinasasangkutan ng mga pulis.