MANILA, Philippines - Nais ni Senator Joseph Victor “JV” Ejercito na patawan ng mabigat na parusa ang sino mang ‘hoarders’ o nagtatago ng bigas at mais.
Sa Senate Bill No. 2050 na inihain ni Ejercito, sinabi nito na mayroong krisis sa suplay ng bigas at mais na itinuturing na pangunahing pagkain ng bansa at malaking epekto kung itatago pa ang suplay upang mas tumaas ang presyo.
Sinabi ni JV, marami pa rin aniyang mga tiwaling negosyante ang nagsasamantala ng sitwasyon kung saan hindi na ikinokonsidera ang kapakanan ng iba kaya mas mabilis na tumataas ngayon ang presyo ng bigas at mais.
Naniniwala si Ejercito na hindi na sapat ang parusang nakasaad sa Republic Act No. 7581 o Price Act laban sa mga nagtatago ng suplay ng pagkain.
Sa panukala ni Ejercito nais nitong patawan ng parusang hindi bababa sa sampung taon pero hindi lalampas sa 20 taon at multang mula P100,000 hanggang P5 milyon ang sinumang mapapatunayang nagtatago ng bigas at mais sa bansa.
Idinagdag ni Ejercito na maituturing na economic sabotage ang pag mamanipula ng presyo ng bigas at mais.