MANILA, Philippines - Dinumog ng libong tao ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) para mag-aplay ng prangkisa upang hindi mahuli ngayong unang araw ng kautusan ng ahensiya kontra colorum na sasakyan.
Umaabot sa P1 milyon ang multa sa bus, P200,000 sa trak at van, P120,000 sa taxi at P50,000 sa jeep at P6,000 sa motorsiklo.
Paalala ni Ginez, matatawag na kolorum ang isang PUV kapag walang lisensya o walang prangkisa; mga pribadong sasakyan na nagpapanggap na pampubliko; may paso nang prangkisa at walang aplikasyon ng extension;
PUVs na may prangkisa pero sa ibang type of service ginagamit (hal. rehistradong tourist bus ngunit ginagamit pampasada); at mga nasuspinde o nakanselang PUVs na ipinatutupad na ang kanselasyon pero bumibiyahe pa rin.
Una nang nilinaw na tanging ang mga tauhan sa ilalim ng joint task force ng LTO at LTFRB ang may awtoridad na magpatupad ng pagtitiket.
Nagpalabas din ng kautusan si LTFRB Chairman Winston Ginez na bigyan ng 120 days ang lahat ng nakapag-aplay ng prangkisa para maabsuwelto sa huli kontra colorum. Sa loob ng mga araw na ito ay inaasahan ng LTFRB na magkakaroon na ng prangkisa ang mga naiaplay na sasakyan.
Niliwanag naman ni Ginez na sapat ang kanilang impounding area para paglagyan ng mga mahuhuling mga colorum vehicles.
Nanindigan naman si Ginez na wala nang atrasan ang kanilang kampanya para linisin ang kalsada sa mga colorum vehicles.