MANILA, Philippines - Kumalat kahapon ang balita na namatay na ang chairman at founder ng Moro National Liberation Front (MNLF) na si Nur Misuari sa pinagtataguan nito sa Sulu.
Sa panayam kay Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Chief Major Gen. Eduardo Año, sinabi nito na wala pang nakakarating sa kanilang tanggapan na ganitong ulat pero kanila itong beberipikahin.
Ayon naman kay Col. Jose Johriel Cenabre, deputy commandant ng Philippine Marines, sa pagkakaalam niya ay maysakit si Misuari at ito ang huling balita na kanilang nakalap sa nasabing MNLF founder na wanted sa pagiging utak umano ng Zamboanga siege noong 2013.
Sinabi naman ni Brig. Gen. Martin Pinto, Commander ng 2nd Marine Brigade at Task Force Sulu na posibleng kagagawan din ng mga tao nito ang pagpapakalat ng balita upang ilihis ang dragnet operations ng militar dito.
Sa pinakahuling monitoring ay nagtatago si Misuari sa lungga nito sa kagubatan ng Sulu at hindi pa ito nakakalabas ng bansa gaya ng nauna na ring pinalutang ng kaniyang mga tauhan.
Si Misuari ay wanted sa kasong rebelyon, genocide, crime against humanity at iba pa kaugnay ng maÂdugong pag-atake sa ilang barangay sa Zamboanga kung saan daang buhay ang nasawi noong Setyembre ng nakaraang taon.