Palasyo makikiisa sa Earth Hour ngayon

MANILA, Philippines - Makikiisa ang Malacañang sa idaraos na Earth Hour ngayon (Sabado) para makatipid sa kuryente at mabawasan ang pagkawasak ng kapaligiran.

Sa pagdiriwang ng earth hour ay inoobliga ang bawat mamamayan na magpatay ng ilaw sa loob ng isang oras upang mabawasan ang paggamit ng kuryente.

Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, inoobserbahan ng Palasyo at mga tanggapan ng gobyerno ang earth hour para makatipid sa kuryente.

Wika pa ni Lacierda, kahit hindi earth hour ay may patakaran sa pamahalaan na mag-off ng mga ilaw kapag break time o lunch break sa loob ng isang oras mula alas-12 ng tanghali hanggang ala-una ng hapon.  

Samantala, tiniyak ng Palasyo na may sapat na suplay ng kuryente sa Luzon at Visayas ngayong summer o panahon ng tag-init huwag lang magkaroon ng breakdown ng mga planta. Inihayag ni Lacierda na inaasahan ang pagtaas ng konsumo sa kuryente ngayong summer dahil sa paggamit ng aircon.

Show comments