MANILA, Philippines - Dahilan sa kakulangan ng magtuturo kaya’t hinihikayat nina Pampanga Rep. Gloria Arroyo at Camarines Sur 2nd district Rep. Dato Arroyo ang mga estudyante na nagsipagtapos ng kursong Science at Mathematics na magturo sa mga eskwelahan.
Sa House Bill 3040 na inihain ng mag-inang Arroyo, layunin nito na maglaan ng mas magandang benepisyo upang makapanghikayat sa mga graduate students at baccalaureate graduates na majored in science and mathematics na pumapasok sa teaching profession.
Samantalang ang mga bagong graduate naman ng Bachelor of Science Education major in science and mathematics ay bibigyan ng pansamantalang requirement para sumailalim sa Licensure Examinations for Teachers (LET) na iniisyu ng Professional Regulatory Commission (PRC) upang makuha sila bilang science at mathematics teachers.
Itinatakda din ng panukala na magbigay ng incentives tulad ng scholarship mula sa gobyerno, allowances, study visits, placement, publications at research support para sa mga guro at mag-aaral na mag-eenrol sa science o mathematics teaching courses.
Giit ng mag-inang kongresista, mahalagang magkaroon ng sapat na bilang at highly qualified at globally competitive teachers partikular na sa area ng science at mathematics.
Sa ilalim din ng HB 3040 bibigyan ng pabuya at pagkilala sa pamamagitan ng pera at bagay ang mga bagong graduate ng Bachelor of Science majored in science or mathematics na papasok sa top 20 slot ng LET examinations.