OFWs sa Egypt at Syria umuwi at magnegosyo na lang

MANILA, Philippines - Hinihikayat ng isang mambabatas ang mga overseas Filipino workers sa Egypt at Syria na umuwi na lamang at magnegosyo upang hindi madamay at maipit ng kaguluhan sa dalawang nabanggit na bansa.

Ayon kay Marinduque Rep. Regina Reyes, may maganda namang programa at tulong na inaalok ng gobyerno sa mga ‘returning OFWs’ kabilang na rito ang ‘livelihood package’ at pagpapautang ng kapital para magsimula ng isang negosyo.

Sinabi ni Reyes, ang Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) ang nangangasiwa at magkakaloob ng kapital para sa mga nais na negosyo na babalik na OFWs mula sa Egypt at Syria.

Ang Department of Labor and Employment (DOLE) naman ang magbigay ng libreng seminar sa mga nais pasuking ang negosyo ng mga babalik na OFWs.

Muling iginiit ni Rep. Reyes na dapat samantalahin ang mandatory evacuation ng mga OFWs sa Egypt at Syria na ipinapatupad ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA).

“Habang may panahon pa at hindi pa nadadamay sa kaguluhan ay umuwi na po kayo,” apila ni Reyes.

Si Rep. Reyes ay dati ring OFW na may pagmamahal at malasakit sa kapwa OFW kaya ramdam niya ang hirap ng mga ito, lalo na ang may mga anak at asawa na iniwan sa Pilipinas.

 

Show comments