MANILA, Philippines - Tuluyan nang binasura ng Quezon City Prosecutor Office (QCPO) ang kaso na isinampa ng Water for all Refund Movement laban sa matataas na opisyal ng Manila Water Company (MWC) at Maynilad Water Services Incorporated (MWSI) bunsod na rin sa ‘lack of probable cause’.
Matatandaan na sinampahan ng grupong WARM at water consumer na si Gloria Dalida ang mga board of directors ng nasabing mga kumpanya hinggil sa umano’y 6 bilyon na ibig na ipa-refund ng mga ito sa mga consumer.
Sa resolusyon ng QCPO panel sa pangunguna ni Senior Assistant Prosecutor Gibson Araula Jr., Prosecutor Manuel Luisa Felipe at Ulric Badiola sinabi ng mga ito na walang basehan ang reklamo para kasuhan sa korte ng syndicated estafa ang mga opisyales ng MWC at MWSI.
Base sa desisyon, hindi nakatanggap ng anumang cease and desist order ang dalawang kumpanya mula sa MWSS nang ipatupad ang table rates noong 2008.
Napag-alaman pa na aprubado ng MWSS Regulatory Commission (MWSS-RO) ang table of rates na ipinatupad ng dalawang kumpanya kaya’t walang masasabi na sobra ang siningil ng mga ito sa kani-kanilang mga consumer.
Kung mayroon man sobrang singil ang MWC at MWSI sa kanilang mga consumer tanging ang MWSS lamang ang may karapatan na mag-utos na ibalik sa mga consumer ang nasabing halaga.
Sa counter affidavit ng Maynilad sinabi nito na legal ang kanilang collection at nakabase ito sa provision ng Concession Agreement habang sinabi naman ng Manila Water na ang kanilang ginawang panininingil ay alinsunod sa provision ng MWSS.