Dumukot kay Jonas ‘wag protektahan – Bro. Eddie

MANILA, Philippines - Nanawagan si Bangon Pilipinas Senatorial candidate Eddie Villanueva sa liderato ng militar na huwag protektahan ang mga sundalo na sangkot sa pagdukot sa aktibistang si Jonas Burgos.

Ayon kay Bro. Eddie, hindi dapat ikanlong ng  mga lider ng militar ang kanilang mga sundalo na napatunayan ng Court of Appelas (CA) na dumukot kay Burgos sa isang mall sa Quezon City noong April 28,2007.

Bilang isang dating aktibista noong panahon ng martial law ay naranasan na rin umano ni Villanueva ang hirap at hindi magandang trato ng militar laban sa mga militante.

Hinikayat din ni Villanueva ang kasalukuyang  liderato ng Armed Foces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na makipag tulu­ngan upang masiguro na mapaparusahan ang mga sangkot sa nasabing krimen na tinukoy ni Editha Burgos, nanay ni Jonas na mula sa Intelligence unit ng Army sa Central Luzon.

Paliwanag pa nito, na ang kautusan ng CA sa kaso ni Burgos ay patunay lamang umano na patuloy pa rin  ginagawa  ng militar ang enforced disappearances laban sa mga lehitimong aktibista hanggang sa panahon na ito kahit na nanumbalik ang demokrasya sa bansa.

Hinamon din ni Villanueva ang AFP na patunayan ang pahayag nito na kinokondena nila ang karahasan sa indibidwal sa pamamagitan ng pagpayag nito na sumailalim sa imbestigasyon ng pulisya at humarap sa korte at hayaan ito na ang humatol sa kanila.

Matatandaan na noong Marso 18 ng taong kasalukuyan ay nagpalabas ng desisyon ng CA na ang kaso ni Burgos ay maituturing na enforced disappearance at ang Philippine Army at si Maj. Harry Baliaga Jr. ang responsable sa pagkawala nito.

 

Show comments