MANILA, Philippines – Apat na mambabatas na ang muling naghain ng kanilang Statement of Contribution and Expenditures (SOCE), kabilang ang dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Second District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo matapos punahin ng Commission on Elections.
Bukod kay Arroyo, nagpasa na ng tama at kumpletong SOCE sina Bulacan First District Rep. Ma. Victoria Sy-Alvarado, Rizal First District Rep. Joel Roy Duavit and Camarines Sur Fifth District Rep. Sal Fortuno.
Iniutos ng Comelec ang pagbaba sa sa puwesto ng 422 nanalong politiko noong Mayo 2013 dahil sa umano’y hindi pagpapasa o kulang-kulang na detalye sa kanilang mga SOCE.
Ayon sa batas kailangang maghain ng SOCE sa loob ng isang buwan matapos ang eleksyon.
Pinabababa naman sa puwesto ang mga nanalong kandidato na hindi nakapaghain nito.
Sinabi ng Comelec na hindi pinirmahan ni Arroyo ang kanyang inihaing SOCE kaya naman maituturing na wala siyang pinasa.
Bukod kay Arroyo, pinabababa rin noon ng Comelec si Batangas governor Vilma Santos-Recto, ngunit iginiit ng kampo ng dating artista na sumunod siya sa mga patakaran.