Bomba narekober sa Basilan

MANILA, Philippines – Narekober ng mga pulis at militar ang isang bomba na itinanim sa isang motorcycle showroom sa Isabela, Basilan nitong Lunes ng umaga.

Sinabi ni Superintendent Albert Larrubis, hepe ng Isabela City police, isang sibilyan ang nakadiskubre ng remote-triggered bomb na nakatanim sa Phil Motors Inc. sa Veterans Avenue, Barangay Seaside bandang 7:15 ng umaga.

Dagdag ni Larrubis, kaagad iniulat ng sibilyan ang kahina-hinalang bagahe sa loob ng gusali sa mga awtoridad.

Aniya, pinalayo agad ang mga residenteng malapit sa gusali nang disarmahan ng police at military explosive ordinance at disposal units ang bomba.

Gawa ang bomba sa bakal na tubo na may lamang trinitrotoluene (TNT), silicon control rectifier, 9-volt battery, improvised blasting cap, at cellphone.

Dinala sa crime laboratory ng pulisya ang mga bahagi ng bomba upang pag-aralan at mabatid kung aling group ang responsable sa insidente.

Show comments