MANILA, Philippines – Ngayon pa lamang ay pinapaigting na ng Philippine Coast Guard ang seguridad sa lahat ng mga daungan sa bansa bilang paghahanda sa Kuwaresma.
Iniutos na ni Rear Admiral Rodolfo Isorena, hepe ng Coast Guard, ngayong Biyernes ang istriktong pagpapatupad ng seguridad sa higit 100 na pampasaherong terminal at daungan sa bansa upang hindi samantalahin ng masasamang loob ang "Lenten rush."
Sinabi din ni Isorena na pinaghanda niya ang kanyang mga tauhan ng mga paraan upang makontrol at maging maayos ang pagpasok at paglabas ng mga pasahero dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao na uuwi sa kani-kanilang probinsya sa susunod na linggo.
Pinasisiguro din ng hepe ng coast guard sa mga kumander niya na ihanda ang kanilang mga tauhan sa pagresponde sa mga hindi inaasahang insidente sa pagdaraos ng Kuwaresma.