MANILA, Philippines – Hihintayin muna ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mas malaking salvage vessel bago ipagpatuloy ang pagtatanggal ng USS Guardian na sumadsad sa Tubbataha Reef sa karagatan ng Sulu.
Inaasahan na darating ang salvage ship na Jackson 25 sa Biyernes upang tumulong sa operasyon, ayon kay PCG Commandant Rear Vice Admiral Rodolfo Isorena ngayong Lunes.
"Nag-decide po yung salvor na intayin na lang po iyong Jackson 25. Ito po ay isang mas malaking salvage vessel na padating sa Biyernes. Ito pong Jackson 25 hindi kailangang mag anchor meron po itong dynamic positioning na tinatawag na kahit hindi po mag angkorahe hindi po sya basta-basta maalis sa kanyang position," sabi ni Isorena.
Sinabi ni Isorena na bigong makapag-angkla ang Smit Borneo, isang salvor, sa pagsisimula ng salvage operations.
"Di po naka-anchor iyong Smit Borneo. Sinubukan po nilang mag drop ng dalawang anchor doon sa 800 meters deep pero ang problema po isa lang po ang nag bite iyong isa po hindi po nagbite...dahil po sa sobrang lalim kaya di kumapit iyong isang angkorahe. At for the last two days sinubukan po nila ibagsak muli iyong anchor kung kakapit so far po hindi kumapit iyong isang angkorahe," dagdag ng PCG Commandant.
Iginiit naman ng PCG, nakadepende ang tagumpay ng salvage operation sa kundisyon ng panahon.
"Pabago-bago may time na maganda ang panahon may time na medyo malalaki iyong alon. Kaya nga iyong Smit Borneo kung hindi po siya makapag aangkorahe hindi na po uumpisahan iyong trabaho kasi may posibilidad na maitulak siya ng current papasok. Iyan po ang iniiwasan natin na makadagdag sa pinsala sa reef..ito iyong distansya niya sa reef kung mag aanchor siya ay mga 10 meters lang from the reef," ani Isorena.
Sinabi pa ng PCG na patuloy ang pagmamanman at inspeksyon ng posisyon ng USS Guardian mula nang sumadsad ito sa bahura noong Enero 17.
"So far naman po kasi palaging tinitignan po iyon posisyon ng Guardian palagi pong iniinspect halos hindi na po siya gumagalaw kasi nga po iyong rudder niya naka stuck na doon sa reef. Iyong harapan po may portion po doon sa may harap doon sa bow medyo substantial na po iyong damage doon iyong sa may likod na rin po ang okay pa," pahayag ni Isorena.