Tres Queridas (25)

NANGINGINIG ang mga daliri ni Diana habang idina-dial ang numero ni Celeste. Nakatitig pa rin siya sa CCTV footage sa kanyang cell phone kung saan mapapanood si Carlo, buhay na buhay, hinahalikan ang anak nila na si Mateo.

Wala pang kalahating oras, umalingawngaw ang malakas na pagpreno ng isang sasakyan sa tapat ng bahay ni Diana. Dumating na si Celeste. Binuksan ni Diana ang pinto. Pumasok si Celeste, magulo ang buhok at bakas sa mukha ang pagmamadali.

“Nasaan ang video?” hingal na bungad ni Celeste.

Inabot ni Diana ang telepono. Tahimik na pinanood ni Celeste ang maikling clip. Nang i-zoom in ni Diana ang kamay ni Carlo na nakahawak sa braso ni Mateo, may napansin siya. May isang maliit ngunit kapansin-pansing detalye: may nakabalot na matingkad na asul na band-aid?a kanang hinlalaki ni Carlo.

Sa una ay hindi muna ito pinansin ni Celeste dahil may sinabi sa kanya si Diana na mas mahalagang bagay. “Celeste... kung pinuntahan niya si Mateo... Baka pinuntahan din niya si…”

“Si Lani,” mabilis na dugtong ni Celeste.

Kinuha ni Celeste ang sarili niyang phone at sunud-sunod na tinawagan ang numero ni Lani. Ring lang nang ring. Nakalimang tawag si Celeste, hanggang sa tuluyan na itong cannot be reached.?abalot ng matinding kaba ang dalawa. Kung kaya ni Carlo na pumasok sa bahay ni Diana, madali rin nitong mapapasok ang inuupahang apartment ni Lani. Gusto sana nilang puntahan ito nang gabi ring iyon pero nag-aalala sila na baka lalo nilang takutin at ma-stress ang buntis.

Kinaumagahan, unang sikat pa lang ng araw ay nakatayo na sina Diana at Celeste sa tapat ng apartment ni Lani. Matagal bago bumukas ang pinto. Nang tuluyan itong bumukas, bumungad ang mukha ni Lani. Bahagyang nakaharang ang katawan sa pinto, tila walang planong papasukin ang mga bisita.

“Ate Diana, Ma’mm Celeste... napakaaga n’yo naman po,” hindi komportableng bati ni Lani.

“Hindi ka namin makontak kagabi,” mariing sagot ni Celeste, pilit na sinisilip ang loob ng apartment. “Tinawagan ka namin nang ilang beses.”

Umiwas ng tingin si Lani. “Nakatulog po ako nang mahimbing. Masama po kasi ang pakiramdam ko.”

(Itutuloy)

Show comments