‘Google’, bunga ng isang pagkakamali?

(Last part)

Ayon sa isang lumang ulat ng New York Post, ang Google ay hindi abbreviation kundi isang paglalaro sa salitang “Googol” na isang bokabularyo sa arithmetic na unang nabuo noong 1920.

Noong panahong pinag-iisipan nina Page at ng kanyang grupo ang ipapangalan nila sa kanilang kompanya, merong nagmungkahi na tawagin itong Googol.  Itinanong pa niya rito kung meron nang domain sa internet na may ganito nang pangalan.

Gayunman, nagkamali ang kasamahan ni Page sa pagbaybay sa salita at naisulat ito bilang Google. Dito ipinasya ni Page na piliin ang Google Inc. bilang pangalan ng kompanya.

Sa madaling sabi, ang pangalan nang pinakamalakas na search engine sa mundo ay resulta ng typographical error o maling pagkakatipa ng mga letra sa isang search bar.

Nabatid na unang plano sana nina Page at Brin na pangalanang Backrub ang kanilang search engine dahil ang program ay gumagamit ng backlinks para  sa search. Kaya sa halip na sabihin ng isang tao halimbawa na i-“backrub mo ito”, naging i-“Google mo na lang”.

Noong 2006, ang salitang Google ay naging official verb sa Merriam-Webster at Oxford English Dictionaries.

Ayon sa Google, ang mga tao ay nagsasagawa ng 9.5 billion searches sa site na ito sa buong mundo bawat araw.

Tatlong bilyong gadget sa buong mundo ang gumagamit ng Android software ng Google. Ang Google Android ay responsable sa 70 porsiyento ng mga smartphone user sa daigdig.

Noong 1997, nais ng Google na ibenta ang search engine nito sa Yahoo sa halagang $1 million pero tumanggi ang huli.

Bawal ang Google sa ilang bansa tulad sa China, Iran at North Korea.

Maraming domain sa internet ang Google batay sa maling spelling ng Google. May mga tao kasi na sa pagmamadali ay nagkakamali sa pagbaybay ng salitang ito kaya merong domain ang Google na tulad ng gogle.com para matiyak na makararating sila sa search engine.

•••••

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments