Princess Diana
Sabi ni Diana sa kanyang liham sa dati niyang butler sa palasyo ilang buwan bago siya pumanaw: “Papatayin ako sa habang nakasakay sa kotse. Magmumukha itong aksidente ngunit sa katotohanan ay sinadya ito.” Ang nabanggit na liham ay inilabas lamang ng butler anim na taon pagkaraang namatay si Diana. Ayon sa pagsusuri, authentic ang liham at sulat kamay talaga ito ng dating prinsesa. Ang butler na naging tagasilbi ng royal family ay naging malapit na kaibigan ni Diana.
Abraham Lincoln
Minsan ay may napanaginipan si Lincoln na nagbigay sa kanya ng alalahanin. Hindi niya maiwasang ikuwento ito sa kanyang kaibigan at dating law partner na si Ward Hill Lamon. Ito ang kanyang napanaginipan:
Naglalakad siya malapit sa White House East Room. May narinig siyang mga impit na pag-iyak. Sinundan niya kung saan nanggagaling ang tila pinipigil na pag-iyak ng mga tao hanggang sa natukoy niya na nasa East Room ang mga nag-iiyakan. Nag-iiyakan ang mga tao dahil may nakaburol sa East Room. Binabantayan ito ng mga sundalo. Lumapit si Lincoln sa mga sundalo at nagtanong:
“Sino ang nakaburol?”
“Ang Presidente po. Binaril siya.”
Hindi na niya nakuhang silipin ang bangkay na nasa kabaong dahil bigla siyang nagising. Ayon kay Ward Hill Lamon, sinabi raw sa kanya ni Lincoln na siya siguro ang tinutukoy na nakaburol sa panaginip. At pangitain iyon na malapit na siyang mamatay.
Totoo nga ang kutob, 10 araw pagkaraang managinip ni Lincoln, siya ay binaril hanggang mamatay habang nanonood ng play sa teatro.