(Last part)
ISANG gabi, dakong alas onse, ginambala kami nang malakas at mahabang alulong ni Blackie.
Kinilabutan ako sapagkat pagkaraan ng ilang taon ay noon lamang muli umalulong si Blackie.
Sino ang namatay na ibinabalita ng alulong ni Blackie? Kamag-anak sa side ni Papa o ni Mama.
Maski si Papa at Mama ay nagulumihanan sa pag-alulong ni Blackie.
“Masama ito! Bakit ang haba ng alulong ni Blackie?” tanong ni Papa.
“Bakit anong nararamdaman mo?’’ kinakabahang tanong ni Mama.
“Masama ang kutob ko.’’
“Anong kutob mo Papa?” tanong ko.
Pero hindi sumagot si Papa sa tanong ko. Kinabahan ako.
Sa labas, patuloy ang pag-alulong ni Blackie. Mahaba at nakapaninindig balahibo.
Kinabukasan, isang napakalungkot na balita ang tumambad sa amin. Napaiyak kami. Hindi namin inaasahan.
Patay na si Blackie!
Iyon ang dahilan kaya siya umaalulong kagabi. Namamaalam!