CIDG, tinutugis ang may-ari ng yate sa pagtakas ni Guo!

MAKAKATULOG na ng mahimbing ang 24 ex-chiefs ng Philippine National Police. Bakit? Ito ay matapos ideklara ni CIDG director Maj. Gen. Leo “Paco” Francisco na tsismis lang ang basehan ni Pagcor Senior Vice President Raul Villanueva sa pag-link ng 24 ex-PNP chiefs sa paglisan sa Pinas ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo. Sumadsad ang imahe ng PNP sa tinuran ni Villanueva sa Senado at sa tingin ba ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ay ganun na lang? Ayon kay Francisco si Marbil na ang magdedesisyon kung anong hakbang ang gagawin nila laban kay Villanueva, na dating opisyal ng ISAFP, kaya magaling siyang intel officer. Kung may ilabas na ebidensiya si Villanueva, tiyak malaking gulo ang inumpisahan niya. Ano sa tingin n’yo mga kosa?

Ayon kay Francisco, nakausap niya si Villanueva sa telepono at tahasang sinabi nito na “purely gossip” ang ibinunyag sa Senado. Kung nasa ISAFP pa si Sir, nakasanayan na niyang i-validate muna ang report bago ito i-submit sa superior officers niya. Kaya lang, sibilyan na si Sir kaya bulag na siya sa intel community? “Ang sinasabi lang naman niya ay wala siyang tinukoy at ito naman ay tsismisan lang among the intelligence community,” ayon kay Francisco. “Pero ang sabi ko sa kanya, ‘Sir, nabahala ang mga ex-Chiefs PNP natin at ito ay naging malaking concern at issue sa PNP ‘yung statement na ‘yun,” paliwanag pa niya kay Villanueva. Kaya pahinga muna si Francisco sa isyu ni Villanueva dahil marami pa siyang iniimbestigahan base sa resulta ng Senate at quadcom hearings.

Tuluy-tuloy lang ang imbestigasyon ni Francisco sa pagtakas ni Guo, kasama na ang pagtuklas kung sino ang may-ari ng yate na ginamit sa biyahe. Maging si Guo at mga kasama ay umamin sa Senate hearing na yate ang sinakyan nila paalis. Inamin naman ni Francisco na may pangalan na sila kung sino ang may-ari ng yate subalit nakiusap siya na saka na niya ibubulgar­ kapag maayos na ang direksiyon ng kanilang imbestigasyon. Subalit iginigiit ng mga kosa ko na ang may-ari ng yate ay si kosang Mon, na nagtitinda rin ng mamahaling sasakyan tulad ng Lamborghini.

“Ang instruction ng ating chief PNP at kami rin sa PNP CIDG ay lahat ay puwede naming imbestigahan kasi yung pagtakas or yung sinasabi nilang may payola si Alice Guo. So titingnan natin yung mga bagay na ‘yun,” ayon kay Francisco. “So walang i-exclude na tao, particularly dito sa PNP. Lahat kami ang under investigation sa impormasyon na ito,” ang dagdag pa ni CIDG director. Malakas ang paniwala ni Francisco na may tumulong kina Guo and company sa kanilang pagtakas. “Tyak may tumulong kasi hindi naman nila alam ‘yung mga way na ‘yun eh. Bilang individual sila na madaanan nila itong sinasabi nila way out na ito, imposible na personal nila itong magawa,” giit pa ni Francisco.

Sa Senate hearing kahapon, sinabi ng Immigration official na sumulat na sila sa Manila Yacht Club para alamin kung sa kuwadra nila nanggaling ang yate bago tumulak palabas ng Pinas. May 11 days na subalit wala pang sagot ang MYC. Malapit nang mahubaran si kosang Mon. Abangan!

Show comments